Mga Sanhi at Bunga ng Kahirapan sa Pilipinas

Mga Sanhi at Bunga ng Kahirapan sa Pilipinas ni: Roxanne Gregorio

Korupsyon

Hindi na lingid sa kaalaman ng lahat na ang Pilipinas ang isa sa may pinakakurap na gobyerno sa mundo kung kayat hindi komportable ang ibang bansa na mamuhunan o tumulong sa bansa dahil kadalasan ay ibinubulsa lamang ito ng mga politiko. Ang pagiging korap ng mga politiko ang isa sa mga dahilan kung bakit naghihirap ang bansa. Noong nakaraang bagyong Yolanda, mahigit labing-walong bilyon ang ibinigay ng limamput-anim na bansa kagaya ng Australia, Bahrain, Taiwan, at Amerika para sa mga nasalanta ng bagyo ngunit ni katiting ay walang napunta sa mga tao (Rappler, 2013). Saan nga ba napupunta ang mga pondo ng gobryerno para sa mga mahihirap? Ibinubulsa nga lang ba nila ang lahat ng ito?

Isa pa rito ang nangyaring pork barrel scam o kilala rin bilang Priority Developemnt Assistance Fund (PDAF) scam noong Hulyo ng 2013. Isa itong naging malaking eskandalo sa Kongreso. Base sa naganap na imbestigasyon, mahigit sampung bilyon ang ibinulsa ni Napoles at ibang miyembro ng Kongreso. Bukod pa roon, 900 milyong piso ang nawalang pera mula sa Malampaya gas field. Pero bakit nga napakakorap ng mga politiko sa ating bansa. at sa sobrang korap natin ay nagmumukha na tayong katawa-tawa sa ibang bansa. kailan ba ito nagsimula? Makokonekta ba natin ito sa kolonyalismo.

Kasakiman

Dahil sa sobrang kasakiman ng ilang mga Pilipino, mas pinipili nila ang ipagbili ang kanilang mga sarili sa mga taong may kapangyarihan. Minsan hindi na nakukuntento ang ibang tao sa mga biyayang natatanggap nila at sa sobrang gusto nilang yumamaan o umakyat sa itaas, kadalasan ay nandadamay at humahatak sila ng ibang tao pababa. Ang isa sa mga halimbawa nito ay ang tanim-bala iskam na hanggang ngayon ay laganap pa rin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Ayon sa CNN, nagsimula ito noong Nobyembre ng 2015 pagkatapos magreklamo ng isang pasahero na wala siyang kinalaman sa natagpuang bala sa kanyang bagahe. Sinasabing may isang malaking sindikato ang nasa likod ng mga kababalaghang nangyayari sa establesimiyentong ito at kasabwat rin ang ilang mga seguridad na tauhan ng paliparan. Mayroon nang halos tatlumpung kaso na ang naitaya noong taon ng 2015 (CNN, 2015).

Ang isa pang halimbawa nito ay ang nakakainsultong paglalagay ng pangalan ni Henry Sy sa isang istraktura ng UP sa may Bonifacio Global City (Mabini, 2011). Ngunit bakit nga ba ito nakakainsulto? Naiinsulto sila dahil si Sy ang isa sa pinakakilalang negosyante sa Pilipinas na tumatanggap lamang ng mga trabahador na kontraktwal kung kaya’t walang benepisyong natatanggap ang kanyang mga manggagawang Pilipino. Ipinapakita nito na, ang mga mayayaman ang naglulugmok ng mga tao sa kahirapan. Nagiging masyado silang gahaman sa kanilang mga pera kung kayat hindi umaasenso ang bansang Pilipinas. Isa pa rito, ibang lahi ang nakikinabang sa mga mamamayang Pilipino para sa ikauunlad ng kanilang mga negosyo.

Populasyon

Ang paglobo ng populasyon sa Pilipinas ay isang malaking problemang matagal ng kinakaharap ng gobyerno ng Pilipinas. Isang problemang hindi mahanap-hanapan ng solusyon. Kadalasan, kung sino pa ang mahihirap, sila pa ang nagpapalobo ng ating populasyon. Dahil sa paglaki ng populasyon mas lumalaki rin ang mga taong walang trabaho at hindi nakakatanggap ng sapat na benepisyo mula sa gobyerno. Ayon sa data ng worldometers, noong ika-12 ng Mayo taong 2016, itinatayang may 102,031,047 na populasyon ang Pilipinas at ang kalati nito ay nakatira sa lungsod (Worldometers, 2016). Nasa top 12 din ang Pilipinas pagdating sa pinakamaraming populasyon. Ito marahil ay sanhi ng kahirapan sa bansa at kawalan ng trabaho para sa mga tao. Dahil sa kakulangan ng programa ng gobyerno sa Family Planning, kakaunti lang ang impormasyong natututunan ng mga tao tungkol sa epekto ng paglobo ng populasyon pati na rin ang iba’t ibang paraan upang kontrolin ang pagdami ng populasyon.

Nakakabahala ang mga numerong ito dahil sa pagdami ng populasyon, magiging mas mahirap sa gobyerno na kontrolin ang mga mamamayan nito. Bukod duon, ilan rin sa epekto ng paglobo ng populasyon ay ang kakulangan sa pagkain at trabaho. Mas tataas ang porsiyento ng mga taong walang trabaho dahil mas mahihirapang hanapan ng trabaho kung masyadong maraming tao. Hindi kayang tulungan lahat ng mga kumpanya ang lahat ng mga nangangailangan. At dahil rito, mas marami ang mga taong nakatira sa lansangan dahil sa kakulangan ng pera, na isa ring sanhi kung bakit maraming bata ang hindi nagkakaroon ng sapat na edukasyon.

Edukasyon

Dahil na rin sa kahirapan, kadalasang napagkakaitan ang mga mahihirap ng oportunidad para makapag-aral. Karapatan nga raw ang edukasyon pero sa bansa nating ito, mas pinipili pa rin ng ibang mga bata na tumulong sa kani-kanilang mga magulang upang may makain sila araw-araw. At dahil dito, mas nahihirapan silang makahanap ng maayos na trabaho dahil wala silang sapat na edukasyon upang makapagtrabaho sa malalaking kumpanya.

Bukod pa rito, dahil sa kakulangan ng edukasyon at matinding pangangailangan sa buhay, may iba ring tao na nagiging desperado para lang may makain sila at mas pinipili na lang mabuhay sa kalye at magnakaw. Sa dokumentaryong, The Slum: Risky Business, makikita natin kung papaanong mag-isip at mabuhay ang mga batang kalye na nakatira sa lungsod ng Tondo. Kadalasan, ang mga batang kalyeng nakatira sa ampunan ay mas pinipinipiling tumira sa lansangan dahil sa tingin nila ay mas ligtas sila rito kumpara sa ampunan dahil ito na ang kanilang nakasanayan.

Ipinapakita ng bidyong Ang Larawan Ng Kahirapan (Poverty and Education) kung paano pinagkaitan ng kahirapan ng edukasyon ang mga mahihirap. Minsan kasi kinakailangan munang kumayod ng mga bata bago sila makapag-aral. Kinakailangan nilang tumulong sa kani-kanilang mga pamilya para may pangkain ito sa pang-araw araw. Kung kayat sinasabi nila na minsan hindi “option” ang edukasyon sa nakararami. Sinasabi din na “karapatan ang edukasyon pero sa mundo nating ito, 121 milyong daang bata ang hindi pumapasok sa eskwelahan at dahil ito sa kahirapan” (Lazaro, 2010). Mas pinipili ng mga bata na lamanan na lang ang kanilang mga tiyan bago ang kanilang mga kaisipan.

Ayon sa kay Anne Villegas, na isang estudyante dito sa Unibersidad ng California, Los Angeles at naranasang makapag-aral sa isang pampublikong paaralan, kulang na kulang ang pasilidad ng pampublikong paaralan sa Pilipinas. Kumpara sa mga pribadong paaralan, kulang ang kanilang mga pasilidad para mapagkasya at matulungan ang lahat ng mga estudyante. Minsan ay kulang sila ng mga klasrum, upuan, at maayos na palikuran. Sa dami ng mga estudyante ay nagmumukha ng payatas ang mga silid-aralan na nagiging dahilan kung bakit nahihirapang makinig ng mga ito sa kanilang mga guro. Mayroon din namang iba na walang sapat na pera pambili ng mga kagamitan nila pang-eskwela kagaya ng sapatos, uniporme, kuwaderno, at lapis.

Ngunit hindi lang naman dito nagtatapos ang lahat dahil may iba pa ring mga mamamayan na gumagawa ng paraan upang makatulong sa kanilang kapwa sa kanilang sariling maliit na paraan. Sabi nga nila, ang pagtutulungan ay nagsisimula sa isang tao. Si Efren Penaflorida ay isang mamayang Pilipino na nanalo bilang CNN Hero of the Year noong 2009 (CNN, 2009). Sinimulan niya ang pushcart klasrum na nagsilbing eskwelahan para sa mga batang nakatira sa lansangan. Naglalayon itong mapabuti ang kalagayan ng mga batang walang kakayahang pumasok sa eskwelahan at para ilayo na rin sila sa paggamit ng droga. Sinabi niya sa kanyang talumpati na ang bawat tao ay may kakayahang tumulong sa ating kapwa, mahirap man o mayaman. Kinakailangan lang nating magtulungan lahat at maglingkod nang mabuti sa mga mamayanan.

Kawalang Disiplina

Sabi nga nila, sa panahon ngayon sa Pilipinas, opsiyonal na lang ang pagsunod sa mga batas. Maging ang mga kabataan ngayon ay hindi na natatakot sa batas. Kailangan nating maging disiplinado at matakot sa mga awtoridad para matuto tayong sumunod sa mga patakaran. Marami nang nagdaang matatalinong mamumuno sa ating bansa pero kung hindi marunong sumunod ang mga tao ay wala ring patutunguhan ito. Lahat ng tao ay gustong makamit ang pagbabago pero iilan lang talaga ang handang magbago.

Paano nga ba nating masusulusyunan ito? Ang totoo niyan, bago mo malinis ang isang lungsod, kinakailangan muna nating maayos ang peace and order sa bansa. Ang ibig sabihin nito ay kailangan muna nating patinuin ang mga pulis at iba pang mga awtoridad. Mahirap naman kasi kung ang unang mga tagapagtupad ng batas ang siyang unang nagiging pasaway pagdating sa pagsunod ng mga patakaran. May ilang mga lugar sa Pilipinas ang nauna nang maghanap ng solusyon upang maisaayos ang kanilang mga lugar. Isa na dito ang lungsod ng Laoag na nagpatupad ng mas mahigpit na batas para sa kapulisan at buong komunidad nito. Napag-alamanan ko na sa Laoag, kapag nahuli ang isang pulis na hindi gumagawa ng trabaho ay agad siyang paparusahan ng nakatataas sa kanya at pag inulit niya pa ito ay maaari na siyang masibak sa trabaho. Bukod pa rito, noong nadisiplina na nila ang kapulisan ay gumawa na sila ng ilang programang pangkaligtasan. Dito ay naglagay sila ng police C.A.R.T (Community Assistance and Referral Team) sa buong kapaligiran ng Laoag. Ang programang ito ay ipinatupad upang magkaroon ng mas matinding presensya ang mga pulis sa lugar. Ang C.A.R.T ay isang maliit na estasyon ng kapulisan sa isang kariton. Malaking tulong ito sa komunidad ng Laoag dahil mas malaki ang presensya ng mga pulis kung kayat mas natatakot ang mga taong hindi sumunod sa batas dahil mas madali silang mahuli. Bukod duon, mas madali ring makapag-aabot ng tulong ang mga kapulisan sa mga nangangailangan.

Malaking tulong rin ang paglalagay ng mga CCTV dahil mas namomonitor ang kilos ng mga tao at mas nagiging mabilis rin ang paghuli sa mga taong gumagawa ng krimen. Nagkaroon rin sila ng mga check points para siguraduhin ang kaligtasan ng mga taong nagsisilabas-masok ng lungsod. Dahil dito, tumaas ang crime solution efficiency ng Laoag ng halos kalahati; mula 36.75% noong 2013 ay naging 66.61% ito pagdating ng 2014 para sa kanilang agarang paglutas ng mga krimen. Bukod duon, malaki rin ang binaba ng kanilang monthly crime rate, na mula 306 noong 2013 ay naging 268 nalang ito noong 2014 (News 5, 2016).

Napakahilig ng gobyerno na gumawa ng mga batas tuwing namomroblema sila sa pag disiplina ng mga tao pero wala namang sumusunod sa mga ito. Ang problema kasi ay walang nagpapatupad ng mga batas na ito kaya patuloy pa rin ang mga tao sa paglabag nito. Wala silang kinakatakutan dahil wala namang humuhuli sa kanila. Isa pa, mahilig rin silang magpalusot; palagi nilang sinasabi na likas na sa mga Pilipino ang hindi sumunod sa batas at mahirap nang baguhin ito. Pero hindi dahil mahirap nang gawin ang isang bagay ay imposible na itong gawin. Hindi laging kinakailangan ng bakal na kamay upang laging mapasunod ang mga tao dahil maaari rin itong daanin sa kusa kung matututo lang makipagtulungan ng mga tao. May iba kasi na hindi sumusunod sa batas dahil lang sa walang nakatingin o nagbabantay sa mga kilos nila.

Kolonyal na Kahirapan

Ang ilan sa mga ugali ng mga Pilipino na pumipigil sa pag-asenso ng mga mamamayan nito ay ang “crab mentality,” procrastination, “bahala na,” pagiging ipokrito, ningas kogon, Pilipino time, pagiging tsismoso, paninisi sa ibang tao, pagsasawalang-bahala ng mga patakaran, at pagiging balat-sibuyas (Abello, 2014).

“Walang identidad ang mga Pilipino.” Iyan ang mga maririnig mo palagi sa Amerika. Sa sobrang tagal nating nasakop ng iba’t ibang bansa, sadya nga talagang hindi na natin kilala kung sino tayo. Pero talaga bang iyon ang dahilan para hindi tayo at magkaroon ng malasakit sa taong bayan sa ating bansa. Nakakatawa lang isipin na kahit tinawag tayong little brown brothers ng mga Amerikano at ginawa tayong mga alipin (na makikita mo hanggang ngayon) napakalakas pa rin ng impluwensya nila sa atin at minsan nga ay parang “sinasamba” natin sila na ginugusto nating maging katulad nila. Hindi ba sinasabi nga na kapag nag-iInggles ang isang indibidwal ay sosyal na siya at nakakataas na siya sa ibang mga tao. Hindi ba nila naiisip na ginagamit lamang tayo ng mga Amerikano para pagsilbihan sila? Ang palusot naman ng ilang tao sa pagsasalita ng Inggles ay para makakuha ng magandang trabaho. Pero kung susuriin mong mabuti, ang ilan sa mga pinakamaunlad na bansa ay hindi masyadong marunong magsalita ng Inggles kagaya ng Hapon, Timog Korea, at Tsina. At dahil sa kadahilanag napakatapat nila sa kanilang bansa. Iniengganyo sila na tangkilikin ang kanilang sariling mga produkto kaysa sa mga produktong galing sa Amerika. Sa Pilipinas kasi, makakita lang tayo ng imported, eh nagkakagulo na kaagad tayo.

Masasabi mo nga bang maipagmamalaki nating tayo’y mga Pilipino? Sa tingin ko kasi ikinakahiya natin ang ating mga sarili. lagi mong makikita ang mga katagang proud to be pinoy sa social media tuwing may Pilipinong nabibigyan ng parangal sa ibang bansa kagaya ni Pacquio, Lea Salonga, o kahit yung mga nananalo sa “the Voice” o iba pang mga paligsahan na kahit kalahating Pilipino lang ay grabe na nilang angkinin ang pagkapilipino nito. Pero sa totoo lang, hindi naman talaga tayo proud to be pinoy. Sadyang gusto lang natin na may maipagyabang tayo sa ibang mga tao. Una sa lahat, wala ka namang makikitang proud to be American, Korean, Mexican, at kung ano ano pang mga lahi na nagsasabing “proud” sila sa kanilang mga sarili. “Proud” sila kung sa tingin nila ay may benepisyo silang makukuha sa ginagawa nila pero ikinakahiya na nila ito pagkatapos kung may nagawa itong mali kagaya na lang ng nangyari kay Pacquiao at sa komunidad ng lesbian, gay, bisexual, and transgender (LGBT). Isa pa, may pagkapikon din tayong mga pilipino. kung saan napakalakas nating manlait ng ating kapwa pero kapag tayo na ang nilalait eh masyado na tayong nagiging defensive and nasasaktan sa ibang tao at kadalasan ay sasabihin nating masahul na ang sinasabi nila.

Kongklusyon at Pag-aaral sa Hinaharap

Paano nga ba natin susulusyunan ito? kainakailangan ba na umabot tayo sa isa pang Martial Law para lang disiplinahin ang mga tao? Sabi nga nila, kung hindi mo kayang daanin sa maayos na usapan, marahil ay kailangan na itong daanin sa santong paspasan. Minsan ay naghahanap tayo lagi ng mga taong masisisi sa mga kapalpakang nangyayari sa ating mga buhay. Kailangang matutunan ng mga tao na ang pagbabago ay dapat magsimula sa ating mga sarili at hindi sa ibang tao. lahat tayo ay gusto ng pagbabago ngunit wala sa atin ang handang magbago para sa ikakaayos ng ating kinabukasan. Tigilan na natin ang inggitan at kasakiman.

Mga Sanggunian

Abello, J. C. (2014). 14 bad habits that Filipinos should break to achieve progress.

FAQ. Retrieved from http://faq.ph/14-bad-habits-that-filipinos-should-break-to-achieve-progress/

CNN. (2009). Pushcart educator named CNN hero of the year. CNN. Retrieved from

http://www.cnn.com/2009/LIVING/11/16/cnnheroes.tribute.show/

Lazaro, Todd. (2010). Ang larawan ng kahirapan (poverty and education).

YouTube. Retrieved from https://www.youtube.com/watch?v=_nhsDTfaX1o

Mabini. (2011). Henry Sy’s riches set off by contractualization, APL-Youth says during

IYD. Alliance of Progressive Labor. Retrieved from http://www.apl.org.ph/?p=1189

News 5 Everywhere. (2016). Disiplina. YouTube. Retrieved from

https://www.youtube.com/watch?v=k0oNRlRKeDI

Rappler. (2013). Yolanda (Typhoon Haiyan): aid, donations from int’l community.

Rappler. Retrieved from http://www.rappler.com/nation/43310-yolanda-international-community

Villegas, A. (2016). Personal Interview

Wordometers. (2016). philippines population (live). Worldometers. Retrieved from

http://www.worldometers.info/world-population/philippines-population/

English Translation

This paper investigates the source of poverty in the Philippines, such as the lack of education, booming population, corruption, colonial mentality, lack of discipline, and etc. All of these factors hinders economic developement in the country. I also discussed some probable solutions to fight poverty; this includes establishing stricter rules and regulations as well as discipling the authorities. By implementing these policies, it would be more manageable to assist the ones in need because there would be a greater sense of cooperation between the government and its citizens. In addition to that, there are also some individuals who have been recognized for their selfless actions in helping their community. An example of this would be Afren Penaflorida, who was recognized as the CNN hero of the year in 2009 who created a pushcart classroom as he aims to prevent youths who lives in the squatters area from using drugs or robbing people. He wanted to give them an opportunity to acquire greater education and develop their skills.

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s